
LAGPIO-FB-1010-2023-02-15
Laguna PNP-PIO
Press Release
Tuesday, October 10, 2023
2.7M Halaga ng Shabu at mga Baril kumpiskado sa Comelec Checkpoint
Kampo Heneral Paciano Rizal – Arestado ang dalawang suspek sa isinagawang Comelec Checkpoint at nakumpiska sa kanila ang 2.7M halaga ng hinihinalang Shabu at mga baril.
Kinilala ni PCOL HAROLD P DEPOSITAR, Officer-in-Charge, Laguna Police Provincial Office, ang mga suspek na sina alyas Jerome at alyas Christopher.
Sa ulat ni PLTCOL MILANY E MARTIREZ, hepe ng Calamba City Police Station, nagsagawa ang kanilang personnel ng Comelec Checkpoint sa ganap na 12:00 ng tanghali noong Oktubre 8, 2023 sa Manila South Road, Purok 2, Brgy. Parian Calamba City, Laguna alinsunod sa direktiba ng COMELEC on Election bilang paghahanda sa gaganapin na Barangay and Sanggunian Kabataan Election (BSKE).
Sa ganap na 12:50 ng tanghali habang nagsasagawa ng Comelec Checkpoint ang personnel ng Calamba CPS ay dumaan sina alyas Jerome at alyas Christopher. Nakatsinelas lamang ang mga ito at walang plaka ang sinasakyan motor kung kaya't pinahinto nila ito para sa beripikasyon. At nang hinanapan ang mga ito ng dokumento gaya rehistro ng sasakyan at lisensya ng pagmamaneho ay binuksan ni alias Jerome ang kanyang backpack upang kunin ang dokumento kung saan agad nakita ng pulis na mayroon itong waterpipe o drug paraphernalia. Kung kaya't minarapat ng pulis na ipagpatuloy ang inspection subalit tumanggi si alyas Christopher. Na sa kahina-hinalang pagtanggi ay nauwi ito sa pisikal na paghaharap. At doon ay tumambad sa kanilang harapan mula sa loob ng backpack ang mga baril at hinihinalang droga o shabu. At doon ay agad inaresto ang mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong (7) plastic ng hinihinalang shabu na may timbang na 400 gramo na nagkakahalaga ng humigit kumulang PhP2,720,000.00, perang nagkakahalagang PhP1,260.00, isang unit ng baril na kalibre .45, isang unit ng baril na magnum revolver .22 at mga bala na ang lahat ng ito ay nakalagay sa naturang backpack.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang mga arestadong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.” at RA 10591 “Illegal Possession of Firearms and Ammunitions” na nasasaad din sa Violation of Omnibus Election Code (Gun Ban). Samantala, ang mga kumpiskadong ebidensya ay isusumiti sa Regional Forensic Unit (RFU) para sa forensic and ballistic examination.
Ayon sa pahayag ni PCOL DEPOSITAR “Mas lalo pa naming papaigtingin ang pagsasagawa ng mga COMELEC Checkpoints dito sa lalawigan ng Laguna upang matiyak ang seguridad at kaayusan para sa gaganaping Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE). Ito ang patunay na ang Laguna PNP ay mas nagiging mahigpit sa pagsasagawa ng Comelec Checkpoint.”#gtgilao